Higit 16 milyong Pinoy nakinabang sa P44.9 bilyong pondo ng NTF-ELCAC
MANILA, Philippines — Tinatayang mahigit 16 milyong Pilipino sa 5,638 barangay na dating apektado ng insurhensiya ang nakinabang sa P44.90 bilyong pondong pangkaunlaran ng pamahalaan mula 2021 hanggang 2026, ayon sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Sa ilalim ng Barangay Development Program (BDP), nagpatupad ang pamahalaan ng mga proyektong pang-imprastraktura at serbisyong panlipunan. Batay sa datos ng Department of the Interior and Local Government (DILG) noong Oktubre 13, 2026, kabilang dito ang 1,592.85 kilometrong farm-to-market roads, 964 silid-aralan, 24,003 streetlight, 1,179 sistema ng tubig at sanitasyon, 9,373 proyektong elektripikasyon at 551 pasilidad pangkalusugan.
Para sa 2026, naglaan ang pamahalaan ng P8.08 bilyon para sa mga proyektong pangkaunlaran sa mahigit 800 barangay na nalinis na mula sa impluwensiya ng insurhensiya. Layunin ng programa, na nakabatay sa Executive Order No. 70, na tugunan ang mga ugat ng armadong tunggalian sa pamamagitan ng paghahatid ng pangunahing serbisyo at oportunidad sa kabuhayan.
Samantala, umabot sa 28,415 barangay sa 60 lalawigan ang saklaw ng mga deklarasyon ng Stable Internal Peace and Security (SIPS) hanggang Setyembre 2026. Kabilang dito ang 21,614 barangay sa 45 lalawigan sa mga rehiyong ganap nang nakamit ang SIPS status at 6,801 barangay sa 15 lalawigan sa mga rehiyong patuloy na nagsusumikap na makamit ito.
Ayon kay NTF-ELCAC Deputy Director for Operations Rodrigo “Rhod” Lutao, mahalaga ang patuloy na pagpapatupad ng mga programang pangkaunlaran at pagtutulungan ng pamahalaan at mga komunidad upang mapanatili ang kapayapaan at seguridad.
Patuloy namang isinusulong ng pamahalaan ang National Action Plan for Unity, Peace and Development (NAP-UPD) upang mapanatili ang mga nakamit na resulta sa pamamagitan ng mabuting pamamahala, paghahatid ng pangunahing serbisyo at pagbibigay ng pangmatagalang oportunidad sa kabuhayan.
- Latest






















