DSWD ipinakita paano maiinom ang tubig-ulan

Paghahanda sa Super El Niño
MANILA, Philippines — Bilang paghahanda sa inaasahang Super El Niño, ipinakita mismo ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian kung paano maaaring gamitin ang isang timba at filtration kit upang gawing malinis at maiinom ang tubig-ulan.
Sa press briefing sa Malacañang nitong Miyerkules, nagsagawa ng demo si Gatchalian gamit ang water filtration kit. Naglagay pa si Gatchalian ng isang supot ng lupa sa tubig upang ipakita ang bisa ng filtration system. Matapos ang proseso ng pagsasala, maaari nang inumin ang tubig.
Parehong tinikman nina Gatchalian at Palace Press Officer Atty. Claire Castro ang sinalang tubig bago hinayaang subukan din ito ng mga miyembro ng media.
Sinabi ni Gatchalian na ang mga water kit ay ipapamigay sa mga lugar na naideklarang nasa state of calamity para may magamit na malinis na tubig ang mga residente. Maaaring tumagal ng hanggang limang taon ang kit basta’t maayos itong nililinis.
Sa susunod na linggo ay magsisimula na ang DSWD na magpadala ng mga balde sa mga bahay at ikakabit na ang water filtration system. Madali rin umanong i-install ang kit na inilaan para sa mga kabahayan. “Walang chemicals, walang machinery, walang kuryente na kailangan diyan sa pagpapatakbo niyan,” aniya.
Tiniyak din ni Gatchalian sa publiko na ligtas inumin ng lahat, kabilang ang mga sanggol, ang tubig na sinala gamit ang kit.
- Latest


























