PANOORIN: ‘Work-related’ na motibo, sinisilip sa pagpatay sa Albay radio commentator
MANILA, Philippines — Sinusuri ng Philippine National Police (PNP) ang posibilidad na work-related ang pagpatay sa Albay radio commentator na si Adrian Loterte.
"Siguro minsan, may mga tinatamaan sa kanyang mga sinasabi, that's one angle that we are looking at, work-related," ani PNP spokesperson Col. Allen Rae Co sa press briefing ngayong Martes, Oktubre 13.
Kasama rin sa mga iniimbestigahan ng PNP ang personal at business-related na mga anggulo sa pagpatay.
Nasawi si Loterte nitong Lunes, Oktubre 12, mahigit isang oras matapos siyang barilin bandang alas-4:10 ng hapon ng dalawang hindi pa nakikilalang salarin sa kanyang bakery sa Daraga, Albay.
Anchor siya ng local online news platform na RBN News Television.
Kinondena ng local media group na Albay Press Club ang insidente at nanawagan ng tulong mula sa Presidential Task Force on Media Security sa pag-iimbestiga sa kaso. — Karagdagang ulat mula kay Renalyn Ramirez
- Latest


















