Pahayag ni President Marcos sa China issue, may implikasyon sa seguridad - VP Sara

MANILA, Philippines — Iginiit ni Vice President Sara Duterte na may seryosong implikasyon sa kanyang seguridad at maging sa seguridad ng bansa ang pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na itinuturing na usapin ng national security ang mga alegasyong nag-uugnay sa kanya sa China.
Sinabi ni Duterte na ang naturang pahayag ay tila pag-amin ng administrasyon na itinuturing siyang isang national security concern. Ayon sa kanya, maaari itong gamitin bilang katwiran upang siya ay imbestigahan at tutukan ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno.
Naniniwala rin ang Bise Presidente na maaaring magbigay ng maling mensahe ang naturang pahayag sa mga negosyanteng Pilipino na may transaksyon sa China at posibleng makaapekto sa ugnayan ng dalawang bansa.
Naniniwala rin si VP Sara na ang mga ibinabatong alegasyon na mayroon siyang ill-gotten wealth ay may kinalaman sa kanyang planong pagtakbo sa 2028 presidential elections.
“Napansin ko lang ha, lahat na lang ng illegal ay ipinapahid nila sa akin... Saan ba nagsimula? Confidential funds, corruption. Actually mayroon pa ‘yan silang tried to link us with drugs. So korapsyon, droga, ngayon mayroon silang China funds. Ngayon may ill-gotten wealth. Nag-impeachment na sila, walang ebidensyang lumabas,” anang bise presidente.
“Gusto na nila tapusin ‘yung impeachment prosecution nila dahil bumabagsak na ‘yung kaso kaya nag-iiba na ‘yung kuwento... Lahat na ay ginawa ko kuno. At lahat din ay gagawin din nila para, sinabi ko nga, pabagsakin ako because this is about the 2028 elections,” dagdag pa niya.
- Latest


















