BIR: VP Sara tumanggap ng ‘income’ sa Davao City
MANILA, Philippines — Inihayag ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na nakatanggap umano si Vice President Sara Z. Duterte ng compensation income mula sa City Government of Davao noong 2023, bukod pa sa kanyang natatanggap bilang Pangalawang Pangulo ng bansa.
Batay sa Income Tax Return (ITR) na isinumite ng Vice President para sa taong 2023, sinabi ni Atty. Anne Lorraine Garcia-Marquez ng BIR sa kanyang testimonya sa Senate Impeachment Court na nag-attach si Duterte ng BIR Form 2316 mula sa City Government of Davao, na nakalista bilang kanyang employer.
Ayon kay Marquez, nangangahulugan ito na nakatanggap si Vice President Sara Duterte ng compensation income mula sa City Government of Davao noong 2023. Gayunman, hindi malinaw kung bakit siya nakatanggap ng naturang compensation o kung anong serbisyo ang kanyang ibinigay na naging batayan ng pagbabayad.
Sa pagdinig, binanggit ng prosecution counsel na si Atty. Erwin Matib ang Section 13, Article VII ng 1987 Constitution. Nakasaad dito na ang Pangulo at Pangalawang Pangulo ay hindi maaaring, habang nasa kanilang termino, direktang o hindi direktang magsagawa ng ibang propesyon, makilahok sa negosyo, o magkaroon ng financial interest sa ilang kontrata, prangkisa o special privilege na ipinagkakaloob ng pamahalaan o alinman sa mga sangay o instrumentalidad nito.
Ipinaliwanag din ni Marquez na sa ilalim ng Tax Code, ang lahat ng kita mula sa anumang pinagmulan ay maaaring patawan ng buwis, maging legal man o ilegal ang pinagmulan nito.
Sa kanyang direktang pagtatanong kay Marquez, binanggit din ni Matib ang mga ITR na isinumite ni Duterte noong siya ay Mayor ng Davao City, kung saan iniulat din niya ang pagkakaroon ng “other income.”
Batay sa mga ITR na binasa ni Marquez sa pagdinig, noong 2017 iniulat ni Duterte ang other income mula sa sales/receipts/fees na nagkakahalaga ng P3.188 milyon. 2018: Iniulat niya ang other income na P1.876 milyon.
Noong 2019, sa huling taon niya bilang alkalde, iniulat niya ang other income na P4.051 milyon.
Muling binanggit ni Matib ang Section 90 ng Republic Act No. 7160 o Local Government Code of 1991, na nagbabawal sa mga local government officials, kabilang ang mga gobernador, city mayor at municipal mayor, na magsagawa ng kanilang propesyon o makilahok sa ibang trabaho bukod sa kanilang mga tungkulin bilang local chief executives.
Ayon kay Marquez, walang detalyeng inilagay sa ITR ni Duterte tungkol sa eksaktong uri o pinagmulan ng naturang “other income.” Gayunman, sinabi niyang posibleng nagmula ito sa kanyang pagpraktis ng propesyon bilang abogado.
- Latest






















