P700K gagastusin ng Senado sa bagong opisina ni Sotto

MANILA, Philippines — Aabot sa mahigit P700,000 ang maaaring gastusin ng Senado para sa pagsasaayos ng bagong opisina ni Senate President Pro Tempore Vicente “Tito” Sotto III matapos umanong maiwang halos walang laman ang dating opisina nito na inokupahan ni Sen. Jinggoy Estrada.
Sinabi ni Senate President Sherwin Gatchalian na may nakalaang hanggang P700,000 na renovation budget ang Senado para sa mga opisina ng mga senador.
Ayon kay Gatchalian, hindi karaniwang praktis ng mga outgoing senator ang baklasin ang halos lahat ng kagamitan sa kanilang opisina bago umalis. Aniya, may mga dating senador tulad nina Aquilino “Koko” Pimentel III at Panfilo Lacson na iniwan ang kanilang mga opisina sa maayos na kondisyon kaya minimal na lamang ang kinailangang pagsasaayos ng mga sumunod na gumamit nito.
Ipinaliwanag ni Gatchalian na mas nakatitipid sa pondo ng Senado kung agad na magagamit ng susunod na opisyal ang opisina nang hindi na nangangailangan ng malawakang renovation.
Gayunman, sinabi niyang iginagalang niya ang naging desisyon ni Estrada dahil ayon sa rekord ng Senado, personal na pondo nito ang ginamit sa pagpapagawa ng mga inilagay sa opisina at hindi pera ng gobyerno.
- Latest















