Benitez pinangunahan LegisHear sa Victorias City

MANILA, Philippines — Pinangunahan ni Assistant Majority Leader at Negros Occidental 3rd District Rep. Javier Miguel “Javi” Benitez ang LegisHear sa Victorias City noong Oktubre 2 at 3, na dinaluhan ng pinakamalaking delegasyon ng mga mambabatas sa ilalim ng programa ng House of Representatives.
Pinamunuan ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III ang delegasyon, kasama sina Senior Deputy Speaker Ferdinand “Dinand” Hernandez, Deputy Speakers Albee Benitez, Maria Rachel Arenas, at Chedeng Alvarez, iba pang kongresista, at NBI Director Melvin Matibag.
Sa town hall meeting na dinaluhan nang mahigit 5,000 residente, iniharap ni Benitez ang House Bill No. 9088 o TUBO Act na naglalayong itaas sa P5 bilyon mula P2 bilyon ang taunang pondo para sa industriya ng asukal, magpatupad ng 18-buwang moratorium sa commercial sugar importation, at palawakin ang saklaw ng block farming para sa maliliit na magsasaka.
Inilatag din ang House Bill No. 10678 na magtataas sa P350,000 mula P250,000 ang income tax exemption ceiling simula 2027. Samantala, 22 ahensya ng gobyerno ang naghatid ng iba’t ibang frontline services sa mga residente, habang inilatag naman ng publiko ang kanilang mga hinaing sa asukal, trabaho, kalusugan, at edukasyon.
- Latest






















