‘Di pag-isyu ng subpoena kay Trillanes, hindi lang desisyon ni Escudero - Lacson

MANILA, Philippines — Nilinaw ni Senator-Judge Panfilo “Ping” Lacson na hindi lamang si Impeachment court presiding officer Sen. Francis “Chiz” Escudero ang nagpasya na hindi magpalabas ng subpoena kay dating Senador Antonio Trillanes IV.
Sa kanyang post sa social media platform na X, sinabi ni Lacson na hindi niya ipinagtatanggol ang impeachment court, ngunit mahalagang maunawaan ng publiko na hindi lamang si Escudero ang may pananagutan sa naturang desisyon.
Matatandaang kabilang si Trillanes sa listahan ng mga testigong ihaharap sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte. Gayunman, inalis siya ng House prosecution panel sa listahan matapos umanong hilingin ng dating senador na huwag na siyang isama bilang saksi. Sa halip, nagsagawa siya ng press conference noong Biyernes upang ilahad ang kanyang mga natuklasan.
“In fairness to former Sen. Sonny Trillanes, masustansiya ang kanyang research. The main issue is its evidentiary value for prosecutorial purposes due to his apparent lack of personal knowledge,” ani Lacson.
Samantala, sinabi ni impeachment court spokesperson Regie Tongol na ang prosekusyon mismo ang hindi nakapagsumite ng pangalan ni Trillanes sa loob ng itinakdang panahon para sa pagpapalabas ng subpoena.
Gayunman, nilinaw ni Tongol na maaari pa ring humarap si Trillanes sa impeachment court bilang boluntaryong saksi kahit wala itong natanggap na subpoena.
- Latest























