PANOORIN: Marcos, nagkomento sa school violence at pagtaas ng PISA scores
Content warning: School shooting and violence
MANILA, Philippines — Nababahala at nalulungkot si Pangulong Bongbong Marcos sa mga nangyayaring insidente ng karahasan sa ilang paaralan sa bansa at iginiit na mahalagang matiyak ang kaligtasan dito.
"Nakakabahala at nakakalungkot ang mga nangyayari sa seguridad sa ilang mga paaralan sa ating bansa," ani Marcos sa oath-taking ceremony ng mga newly promoted at newly hired personnel ng Department of Education Region II ngayong Biyernes, Oktubre 2.
Ayon sa pangulo, patuloy na nakikipagtulungan ang pamahalaan sa mga guro, magulang, at komunidad para mapanatiling ligtas ang mga kabataan.
"Kasabay ng pagpapahusay natin sa kalidad ng edukasyon, mahalaga na matiyak na ligtas ang ating mga paaralan," aniya.
Nanawagan si Marcos sa mga guro na tumulong sa pagtugon sa hamong ito.
"Hindi lamang kayo nagtuturo ng aralin, kayo ang gumagabay, nag-aalaga, at tumutulong humubog sa kinabukasan ng kabataang Pilipino," sabi niya.
Samantala, ibinida niya ang pagtaas ng PISA 2025 scores ng Pilipinas sa reading, science, at mathematics kumpara noong 2022.
"Nakikita na natin ang bunga ng lahat ng ito at ng inyong pagsisikap," aniya.
Nangako rin ang pangulo na hindi na dapat magretiro ang mga guro bilang Teacher I. Aniya, sa pamamagitan ng Expanded Career Progression System, dinadagdagan ang mga pagkakataon para umangat ang mga guro sa kanilang napiling larangan.
- Latest



















