Chiz: VP Sara, ‘di maaaring pilitin na aminin bank records

MANILA, Philippines — Hindi maaaring pilitin si Vice President Sara Duterte na maghain ng tugon sa kahilingan ng prosecution panel na aminin ang mahigit 100 bank records na iniuugnay sa kanya sa nagpapatuloy na impeachment trial sa Senate court.
Ito ang naging pasya ng impeachment court, ayon kay Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero nitong Martes. Iginiit niya na may karapatan ang bise presidente laban sa self-incrimination na ginagarantiyahan ng Konstitusyon.
“If the request is allowed, any material and relevant matter of facts requested for answer will be tantamount to compelling the respondent to be a witness against herself,” ayon kay Escudero.
Nauna rito, iminungkahi ng prosecution panel sa pamamagitan ni prosecutor at Akbayan Party-list Rep. Chel Diokno na magkaroon ng istipulasyon o kasunduan sa pagitan ng magkabilang panig kung saan kikilalanin ng depensa na tunay ang mga bank records mula sa ilang bangko.
Ayon sa prosekusyon, makatutulong ito upang hindi na iharap pa ang10-20 testigo at mapabilis ang paglilitis. Ipinaliwanag ni Diokno na ang hindi pagtugon ng depensa sa kahilingan para sa admission ay maaaring mabigyang-kahulugan bilang pagtanggap sa hinihiling ng prosekusyon. Gayunman, tinutulan ito ng defense panel at iginiit na ang naturang kahilingan ay may kinalaman sa burden of proof na dapat patunayan ng mga nag-aakusa.
Binanggit din ni Diokno ang Rule 26 ng Rules of Court na nagpapahintulot sa mga partido na humiling ng pag-amin sa pagiging tunay ng mga dokumento upang mapabilis ang presentasyon ng ebidensiya, kabilang ang usapin kung pag-aari ng respondent ang mga bank record o kung nakapangalan siya bilang account holder.
- Latest























