Yaman ni VP Sara lumobo: P7.25 milyon naging P98.6 milyon

MANILA, Philippines — Lumobo sa P98.6 milyon ang idineklarang net worth ni Vice President Sara Duterte noong 2025, mula sa P7.2 milyon noong 2007, batay sa mga Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) na iniharap sa ika-25 araw ng impeachment trial.
Batay sa mga SALN na pinagtibay ng testigo ng prosekusyon na si Atty. Karen Batu, officer-in-charge ng Records Division ng Office of the Ombudsman, ang P98.66-milyong net worth ni Duterte noong 2025 ay halos 13.6 beses ng kanyang idineklarang net worth noong 2007. Katumbas ito ng pagtaas ng 1,260 porsiyento sa loob ng 18 taon.
Noong 2007, nagdeklara si Duterte ng net worth na nasa P7.25 milyon habang nanunungkulan sa lokal na pamahalaan ng Davao City.
Tumaas ang kanyang net worth sa P49.7 milyon noong 2018 at P55.61 milyon (2019), bago umabot sa P56.58 milyon (2020) at P65.31 milyon (2021).
Umakyat sa P71.66 milyon ang net worth ni Duterte noong 2022, P77.51 milyon (2023), at P88.51 milyon (2024).
Para sa 2025, idineklara ni Duterte at ng kanyang asawang abogado na si Manases Carpio ang pinagsamang net worth na P98,656,131.20.
Umabot sa P122.8 milyon ang kanilang kabuuang assets, habang P24.14 milyon ang liabilities.
Ayon kay Batu, nagdeklara si Duterte ng cash on hand at cash sa bangko sa kanyang mga SALN mula 2007-2012 at 2016-2018.
Wala namang idineklarang cash on hand o cash sa bangko si Duterte sa kanyang SALN mula 2019 hanggang 2025.
Ang mga halagang idineklara ay mula P2 milyon noong 2007 at 2008 hanggang sa humigit-kumulang P6.37 milyon noong 2017.
Sa kanyang SALN noong 2018, idineklara niya ang P3.79 milyon na cash on hand at cash sa bangko.
Binalaan naman ni Senator-Judge Lito Lapid na mabigat ang pananagutan ng mga opisyal na hindi nagdedeklara nang tama sa kanilang SALN.
“Para malaman po ng ating mga kababayan, ang SALN po ay masyadong mabigat sa amin, lalo na kung hindi kami nagdeklara ng tama,” ani Lapid.
Ikalawang beses pa lamang itong nagsalita at nagtanong ang karaniwang tahimik na senador sa impeachment trial.
Ayon kay Lapid, maaaring hindi lubos na nauunawaan ng ordinaryong Pilipino kung ano ang SALN at kung bakit ito mahalaga.
“Ang nakakaintindi lang sa SALN, kaming mga pulitiko, ’yung nagtatrabaho sa gobyerno. Kami lang po ang nakakaintindi sa SALN,” aniya.
Tinanong niya si Batu kung may parusa ang hindi paghahain ng SALN.
Sagot ni Batu, maaari itong maging paglabag sa Republic Act No. 6713 o Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.
- Latest


















