Palasyo: VP Sara gusto agad umupo kaya pinagbibitiw si Pangulong Marcos

MANILA, Philippines — Binuweltahan ng Malacañang si Vice President Sara Duterte matapos nitong atakihin at manawagan ng pagbibitiw ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon kay Palace Press Officer Atty. Claire Castro, malinaw na nais pababain ni VP Duterte ang Pangulo dahil gusto nitong agad na maupo sa posisyon.
“Nais ninyong pababain ang Pangulo sa posisyon? Bakit? Gusto ninyo? Gusto ni Bise Presidente agad-agad umupo? Kita naman, even before, ang plano ninyo,” giit ni Castro.
Sinagot din ni Castro ang pahayag ni Duterte na ang mga Pilipino ay “naliligo sa tubig baha.”
“Hindi po kinakaila na nagbabaha po. Hindi lang naman sa Pilipinas. Nandiyan din po ‘yung Japan, Canada, Grand Canyon, South Korea. Lahat po ngayon ay binabaha,” ayon kay Castro.
Paliwanag pa niya, hindi tinatalikuran ng administrasyon ang mga isyu sa flood control projects at tuluy-tuloy ang imbestigasyon.
Dagdag pa ni Castro, mas makabubuti kung tutukan ni VP Duterte ang problema ng pagbaha sa Davao City upang makatulong sa bansa, habang ang Pangulo ay nakatuon din sa iba pang lugar, kabilang ang Davao.
- Latest


















