PCG: Chinese drilling vessel nakapasok sa Bajo de Masinloc

MANILA, Philippines — Kinumpirma ng Philippine Coast Guard (PCG) na isang Chinese drilling-capable research vessel ang naispatan nilang nag-o-operate sa loob ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.
Ayon kay PCG spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Jay Tarriela, ang barkong Haiyang Dizhi Shihao ay tatlong linggo nang nananatili sa loob ng 12-nautical mile territorial sea ng Bajo de Masinloc.
Sinabi ni Tarriela, umalis ang barko sa Guangdong, China noong Agosto 3 at pumasok sa teritoryo ng Pilipinas noong Agosto 10. Nakarating ito sa bisinidad ng Bajo de Masinloc noong Agosto 11 kung kailan hinihinalang sinimulan aniya nito ang pagsasagawa ng ilegal na marine.
Kinumpirma rin ng Department of Foreign Affairs (DFA) na walang permit o awtoridad na ibinigay sa China para magsagawa ng MSR sa lugar.
Dagdag pa ni Tarriela, may kakayahan ang naturang barko na magsagawa ng seabed drilling, ngunit hindi pa matiyak kung aktuwal na drilling ang ginagawa nito. Ang masisiguro lang ng PCG ay ang mabagal na galaw at kilos ng barko na indikasyon ng MSR.
Dahil sa masamang panahon nitong mga nakalipas na linggo, hindi nakapagpalipad ng sasakyang panghimpapawid ang PCG upang i-challenge ang barko. Gayunman, patuloy ang kanilang tracking gamit ang Dark Vessel Detection program ng Canada.
“Maaaring sinasamantala ng China ang masamang lagay ng panahon para sa kanilang hindi awtorisadong aktibidad na nakakaalarma,” babala ni Tarriela.
- Latest
























