Tulay pa sa Tarlac bumigay: SUV na may 5 sakay, hulog!
MANILA, Philippines — Matapos ang pagbagsak at pagkasira ng Aquino Bridge sa Tarlac City, isa pang tulay ang bumigay na ikinahulog ng isang Sport Utility Vehicle (SUV) na may limang sakay sa ilog, nitong Sabado ng gabi.
Sa ulat ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO), alas-7:40 ng gabi kamakalawa habang bumabagtas ang SUV nang bumigay ang Agana Bridge sa Tarlac City.
Dahil dito, bumulusok pababa ang SUV at mabilis na tinangay ng rumaragasang tubig-baha sa ilog mula sa mga walang humpay na pag-ulan dulot ng habagat.
Agad namang nasagip ng search and rescue team at matagumpay na naiahon ang isang sakay ng SUV na kinilalang si Nathaniel Dizon, 20.
Patuloy na pinaghahanap ang apat pang kasamahan ni Dizon na na-trap sa SUV na sina James Harvey Taborlupa, 35; Paul Harvey Collado, 30, Shanen Tuhao, 26 at Shiel Mae Taborlupa.
Ang Agana Bridge ay nagsisilbing alternatibong ruta sa lungsod matapos una nang bumigay ang gitnang bahagi ng Aquino Bridge sa Tarlac City bago maghatinggabi noong Biyernes (Agosto 28) sa kasagsagan ng habagat.
Nitong Linggo muling bumigay ang isa pang bahagi ng Aquino Bridge.
- Latest















