Pattern sa confidential funds ni VP Sara mula Davao hanggang OVP nasilip

MANILA, Philippines — May nakikitang tila pattern ang House prosecution sa paggamit ni Vice President Sara Duterte ng confidential funds mula pa sa Davao City noong siya pa ang alkalde dito hanggang sa Office of the Vice President (OVP).
Sinabi ni House Trial spokesperon at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, na bagama’t ang paggastos ng confidential funds ng Davao City ay hindi mismo bahagi ng mga isinampang kaso sa impeachment laban kay Duterte ay maaari naman itong magsilbing konteksto para maunawaan ang kaso.
Paliwanag pa ni Adiong, makatutulong ang history na ito para maunawaan ng publiko kung bakit nanatiling mahalaga kay Duterte ang confidential funds ng lumipat siya sa OVP.
“Not necessarily connected with the impeachment Court because (what) we’re discussing here (is) about the Joint Circular and, so far, the utilization in the last quarter of 2022, the first quarter of 2023 up to the third quarter of 2023,” ayon kay Adiong.
Puna pa ng kongresista, na base sa rekord ng Commission on Audit (COA) ang malaking pagtaas ng confidential funds ng Davao City noong panahon na si VP Duterte pa ang Mayor ng Davao City. Sa inilathalang datos ng COA, umaabot sa P144 milyon ang Confidential funds ng Davao City noong 2016, P293M noong 2017, P420M noong 2018, at P460M bawat taon mula 2019 hanggang 2022.
Para naman kay House prosecutor at Manila Rep. Joel Chua, na ang paglaki ng confidential fund allocation ng Davao City at ang mga sumunod pa na kahilingan para sa OVP at Department of Education ay maaaring nagpapakita nang paulit-ulit na pamamaraan.
“Kung titingnan mo, parang may pattern kasi noong siya ay naupo bilang mayor ng Davao, biglang lumaki kung hindi man dumoble, parang nagtriple pa iyong confidential fund niya sa Davao bilang Alkalde,” ayon kay Chua.
Paalala pa ni Chua na ang talagang hinihinging cabinet position ni VP Duterte ay Defense at hindi naman talaga DepEd.
Sinabi naman ni legal spokesperson at private prosecutor Atty. Benjamin “Jay” Tolosa Jr. na ito ang dahilan kaya bakit pinayagan ng presiding officer ang testimonya ng mga opisyal ng Davao City para maipakita ang isang pattern na mahalaga para sa kasong impeachment ng Bise Presidente.
- Latest


















