VP Sara, naghain ng ika-2 perjury case vs Madriaga

MANILA, Philippines — Naghain si Vice President Sara Duterte ng panibagong perjury case laban kay self-confessed bagman Ramil Madriaga, sa Taguig City Prosecutor’s Office kahapon.
Sa dokumentong inilabas ng Office of the Vice President (OVP), makikitang si Duterte ay nanunumpa sa piskalya, kasama ang kanyang abogadong si Atty. Paolo Panelo.
Matatandaang si Madriaga ay una nang sinampahan ni VP Sara ng kasong perjury noong Marso.
Mariin na rin namang pinabulaanan ni VP Sara ang mga alegasyong ibinato ni Madriaga laban sa kanya.
Nanindigan rin si VP Sara na hindi niya kailanman binisita sa bilangguan si Madriaga at hindi rin niya ito kinausap.
Nauna rito, sa notaryadong affidavit ni Madriaga, na ni-refer sa Office of the Ombudsman noong Disyembre 2025, sinabi nitong nagsagawa siya ng malakihang cash deliveries para sa ikalawang pangulo.
Aniya pa, ang national campaign para kay Duterte ay pinondohan ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) at mga drug lords.
Una na ring nagpakilala si Madriaga bilang isang intelligence at security officer sa ilalim ni dating Pang. Rodrigo Duterte at siya rin umano ang bumuo ng Inday Sara Duterte is my President (ISIP) kung saan siya ang nagsilbing national convenor noong 2020.
- Latest























