NBI sisilipin P10 bilyong pondo sa 2019 SEA Games

MANILA, Philippines — Bubuo ang National Bureau of Investigation (NBI) ng isang task force upang imbestigahan ang umano’y iregularidad sa bidding at pondo ng mga proyekto kaugnay ng 2019 Southeast Asian (SEA) Games.
Ayon kay Director Melvin Matibag, nakatanggap ang NBI ng “bagong impormasyon at dokumento” hinggil sa Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC). Aniya, malaki ang halagang sangkot sa kaso.
“If you recall, ‘yung bidding na ginawa dito tapos unliquidated so marami ‘yan na kailangang tingnan. That’s why I’m creating a task force na composed of our Financial Investigation Unit at saka ang aming Special Action Unit to investigate the matter,” pahayag ni Matibag.
Binanggit niya na bilyun-bilyong piso ang ginastos sa SEA Games Sports Complex at may pribadong kompanya umanong nakatanggap ng P10 bilyon sa pamamagitan ng “congressional insertions.” Kasama rin sa sisiyasatin ang kontrobersyal na P50-milyong SEA Games cauldron project.
Makikipag-ugnayan ang NBI sa SEC, COA, at iba pang ahensya para sa imbestigasyon. Bagama’t may mga indibidwal nang tinitingnan, wala pang pormal na pinangalanan bilang subject ng probe.
Itinanggi ni Matibag na may pulitika sa imbestigasyon. Binanggit niya si Senator Alan Peter Cayetano, dating chairperson ng PHISGOC, na posibleng tanungin ng NBI. “We’ll always go where the evidence leads us,” aniya.
- Latest





















