OFW, inaresto sa Saudi sa pag-post ng video ng airstrike
MANILA, Philippines — Isa pang Overseas Filipino Worker (OFW) ang inaresto sa Saudi Arabia matapos umanong mag-post ng mga video ng airstrike sa social media.
Ayon kay Department of Migrant Worker (DMW) Undersecretary Bernard Olalia, ang naturang OFW ay humingi ng tulong sa mga awtoridad sa Pilipinas matapos ang ginawang pag-aresto sa kanya.
Tiniyak naman ni Olalia na ang gobyerno ay patuloy na magbibigay ng tulong sa lahat ng Pinoy na apektado ng tensiyon sa Gitnang Silangan.
Partikular na tinukoy ni Olalia ang mga nakadetine sa Saudi Arabia at United Arab Emirates.
Muli rin niyang pinaalalahanan ang mga OFW sa Middle East, partikular sa Saudi Arabia at UAE, na iwasang mag-post o mag-share ng mga video ng airstrike at iba pang sensitibong insidente sa social media.
Nauna rito, kinumpirma ng Philippine Embassy na dalawang OFW ang nadetine sa United Arab Emirates (UAE) dahil sa umano’y pagpapaskil ng missile attacks sa gitna ng tensyon sa Middle East.
- Latest






















