UTCP hiling protektahan din TNVS drivers
MANILA, Philippines — Naglabas ng matinding hinaing ang United Transport Cooperative of the Philippines (UTCP) sa patuloy na pagsirit ng presyo ng langis dulot ng mga kaguluhan sa ibang bansa at sa kawalan umano ng aksyon ng gobyerno para protektahan ang mga Transport Network Vehicle Service (TNVS) driver.
Ayon kay UTCP President Gerric D. Asuncion, matagal nang hindi inaaksyunan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang lumang fare matrix para sa TNVS, na base pa sa Memorandum Circular No. 2019-036 o anim na taon na ang nakalilipas.
Aniya, maraming taon nang nagtitiis ang mga driver sa patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina, langis, at maintenance, habang nananatiling mababa ang kita dahil hindi ina-adjust ang pamasahe.
“Hindi na nakakabawi ang mga driver, marami sa kanila ang tuluyang umaalis sa mga booking platform. Wala na ngang kita, wala pang suporta,” bigay-diin ni Asuncion.
Dagdag niya, sa dami ng umaalis sa mga Transportation Network Company booking platform, bumababa ang supply ng mga sasakyang available sa mga pasahero, ngunit wala ring malinaw na plano ang LTFRB na magbukas ng panibagong slots o dagdagan ang bilang ng TNVS sa kalsada.
Lahad pa niya, pahirap din ang kasalukuyang sistema ng pamasahe para sa mga biyaheng mas mababa sa tatlong kilometro, dahil walang nakalaang minimum fare.
- Latest