Palasyo kay VP Sara: ‘Malaking utang ng Pinas galing sa tatay mo’

MANILA, Philippines — Ipinaalala ng Malakanyang kay Vice President Sara Duterte na sa panahon ng kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte lumobo ang utang ng Pilipinas.
Tugon ito ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro matapos kwestyunin ng Bise Presidente ang P16 trilyon utang ng Marcos admin.
Paliwanag ni Castro, ang P16 trilyon ay kabuuang utang ng gobyerno simula pa ng mga nakaraang administrasyon at sa kabuuang halaga, ang ama ni VP Duterte ang may pinakamalaking utang na umabot sa P12.79 trilyon noong Hunyo 2022 na nagka-interest ng 115.1%.
Kaya pinipilit aniya ng pamahalaan na maiwasan na mangutang.
Sa talumpati ni VP Duterte sa Australia, binanggit niya ang tungkol sa magandang nangyayari sa ekonomiya subalit papel lamang ito.
Ayon kay Castro, malinaw na pag-amin ito ng VP na mayroong papel at may resibo na gumaganda ang ekonomiya ng bansa.
Pasaring ni Castro, nakakalungkot na mahirap turuan ang walang alam at walang balak umalam. Mahirap din buksan ang mata ng bulag at nagbubulag-bulagan.
- Latest