Expansion ng OFW Hospital, iginiit ni Bong Go
MANILA, Philippines — Muling iginiit ni Senator Christopher “Bong” Go ang kanyang isinusulong na i-institutionalize at palawakin ang OFW Hospital sa San Fernando City, Pampanga.
Ito’y kasunod ng natanggap na pagkilala ng OFW Hospital bilang “Public Facility of the Year (Health Category – Philippines)” sa ginanap na 2025 GovMedia Conference & Awards sa Singapore.
Sinuportahan ni Go ang pananaw ng Duterte administration na specialized healthcare para sa OFWs at natupad ito sa kanyang panunungkulan bilang chairperson ng Senate committee on health.
Ang OFW Hospital na nagsimulang mag-operate noong Mayo 2, 2022 sa pamamagitan ng pagsisikap ng gobyernong Duterte at ng pamahalaang panlalawigan ng Pampanga, ay nagsisilbi ngayong dedikadong medical facility para sa OFWs at kanilang mga pamilya.
“Hindi lang po ito basta ospital. Isa itong konkretong patunay na kaya nating unahin ang kapakanan ng mga OFW na matagal nang itinuturing na mga bayani ng ating bansa,” sabi ni Go.
Bilang isa sa mga may-akda at co-sponsor ng Republic Act No. 11641, na lumikha sa Department of Migrant Workers (DMW), patuloy sa pagsusulong si Go sa iba pang panukalang batas na susuporta sa kapakanan ng OFWs.
- Latest