Apartelle pa isinara sa Quezon City

MANILA, Philippines — Isinara na rin ng Quezon City Business Permit and Licensing Department (BPLD) ang apartalle na sangkot umano sa Child Trafficking at Exploitation ng mga menor-de-edad.
Ito’y makaraang isyuhan ng BPLD ng temporary closure order ang Blazingwood Apartelle sa Barangay San Agustin sa Quezon City dahil sa paglabag sa Section 75 (c) ng Quezon City Revenue Code.
Layon ng pansamantalang pagpapasara sa establisimiyento na mapalakas ang kampanya para protektahan ang kabataan mula sa pag-aabuso at criminal exploitation.
Ang hakbang ay ginawa makaraan ang joint entrapment at rescue operation noong Mayo ng Philippine National Police Women and Children Protection Center – Luzon Field Unit (PNP WCPC-LFU), sa tulong ng Caloocan City Social Welfare Department at QC police District. Sa Apartelle ay na-rescue ang 6 na minors at dalawang indibidwal na naaresto dahil sa paglabag sa Anti-Trafficking in Persons Act and the Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.
“Nakakalungkot na ang mga kabataan, na dapat ay nasa paaralan, ay nagiging biktima ng mga mapagsamantalang tao. Hindi kami titigil hangga’t ‘di napaparusahan ang mga ito. Susuyurin namin ang lahat ng establisyemento kung kinakailangan,” pahayag ni QC Mayor Joy Belmonte.
- Latest