2 Pinoy seafarers na hinostage ng Haitis noong Abril, nakauwi na
MANILA, Philippines — Kinumpirma kahapon ng Department of Migrant Workers (DMW) na ligtas nang nakauwi sa kanilang mga pamilya ang dalawang Pinoy seafarers na unang hinostage ng mga Haiti noong Abril.
Nabatid na ang dalawang seafarers, na kapwa tripulante ng MV Century Royal, ay personal na nakadaupang-palad nina Migrant Workers Secretary Hans Leo J. Cacdac, kasama sina Undersecretaries Bernard P. Olalia at Felicitas Q. Bay, Assistant Secretary Maria Regina Galias, at DMW Directors, sa kanilang Central Office sa Mandaluyong City kamakalawa.
Ayon sa DMW, ang mga biktima ay pinagkalooban din naman ng DMW ng tig-P75,000 na tulong sa ilalim ng AKSYON Fund sa pagdating nila noong Mayo 23 at Hunyo 17.
Nakatakda rin umano silang pagkalooban ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ng karagdagan pang suporta, partikular na ang kanilang mga anak.
Paniniguro pa ng DMW, nakikipag-ugnayan na sila sa manning agency ng mga seafarers upang matiyak ang kanilang full recovery at mapagkalooban sila ng suporta, alinsunod na rin sa direktiba ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. na tulungan ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) in distress at tiyakin ang kanilang reintegrasyon sa komunidad.
- Latest