‘Mandatory repatriation ng mga Pinoy sa Israel, Iran ‘di pa kailangan

MANILA, Philippines — Hindi pa nakikita ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pangangailangan para magpatupad ng mandatory repatriation sa mga Pilipino na nasa Israel at Iran.
Sa ambush interview sa Pangulo, sinabi niya na ipinauubaya na nila muna sa mga Pinoy at kanilang mga pamilya sa naturang bansa ang desisyon kung gusto na nilang maiuwi dito sa bansa o hindi kung tingin nila ay ligtas sila sa kanilang mga kinaroroonan.
Tiniyak naman ni Pangulong Marcos na nakabantay sila sa sitwasyon ng mga kababayan natin sa Israel at Iran at ilan sa kanila ay nakontak na rin ang mga naroroon at kinuha na rin ang kanilang mga panig.
Mayroon na rin aniyang mga nagpahayag ng kagustuhang manatili roon habang may iba namang gusto nang umuwi sa Pilipinas dahil natatakot sa paglala pa ng tensyon.
Aminado naman si Marcos na malaking hamon ang maraming paliparan na sarado sa ngayon, kaya naman naghahanap na sila ng mga alternatibong ruta na maaaring madaanan pabalik dito sa bansa.
Patungo na rin aniya sa Jordan si Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo Cacdac para maiayos ang pag-evacuate sa mga Pinoy sa nasabing mga bansa.
Ang pahayag ng Presidente ay kaugnay pa rin sa umiinit na sitwasyon sa pagitan ng Israel at Iran nitong mga nakalipas na araw.
- Latest