Patrolya sa coastline higpitan vs illegal drugs
MANILA, Philippines — Para patuloy na mapigilan ang pagpasok ng ilegal na droga, inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga otoridad na magsagawa ng mahigpit na pagbabantay sa baybayin o coastline ng bansa.
Ang kautusan ay ginawa ng Pangulo matapos madiskubre ng mga mangingisda mula sa Bataan at Pangasinan ang mahigit sa bilyon pisong halaga ng shabu na palutang-lutang sa karagatan.
Sa podcast ni Marcos, sinabi niya na mayroong problema sa droga ang bansa, kaya ipinag-utos niya sa Coast Guard at PNP na bantayan at huwag hayaan makabalik sa merkado ang droga.
Kung posible ay agad aniya itong sirain sa harapan mismo ng mga otoridad para masiguro kung gaano ito karami at hindi na nababawasan at buhusan na rin ng gasolina at sunugin na ito.
Bagama’t patuloy aniya ang paghabol sa bigtime drug lords, kailangan pa rin palakasin ang presensya ng mga otoridad sa komunidad para mapigilan ang mga small time drug dealers.
“Well, what is happening because we’re concentrating sa mga bigtime drug syndicate, drug lord. May balita na bumabalik-balik sa mga bara-barangay, yung mga small time. Kaya yung Cops on the Beat, that’s the solution to that,” giit pa ng Pangulo.
Iginiit pa ni Marcos na kung nagpapatrolya kahit sinong dealer ay makakahuli ang pulis at mapipigilan na ang kanilang mga gawain.
- Latest