Jay Ruiz balik PCO, 20 opisyal sinibak

MANILA, Philippines — Muling itinalaga ng Malakanyang ang dating mamamahayag na si Jay Ruiz bilang acting Secretary ng Presidential Communications Office (PCO).
Sinabi ni Executive Secretary Lucas Bersamin, ang appointment paper ni Ruiz ay inilabas noong Lunes, Hunyo 16.
Matatandaan na ipinagpaliban ng makapangyarihang Commission on Appointment (CA) ang deliberasyon sa appointment ni Ruiz bilang pinuno ng PCO.
Nagpasalamat naman si Ruiz kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. dahil aniya sa tiwala sa kanyang pamumuno sa PCO.
Samantala, nauna nang iniulat na tinatayang 17 opisyal ng PCO ang sinibak ng Pangulo matapos nitong ipag-utos ang pagsusumite ng courtesy resignation para masuring muli ang kanilang performance at matiyak ang kanilang pakikiisa sa mga layunin ng administrasyon.
Pinadalhan na rin aniya ng liham ang ilang opisyal ng PCO na tinanggap ang pagbibitiw at ang mga mananatili sa puwesto.
Kabilang aniya sa mga inalis sa puwesto ay mula sa Presidential News Desk (PND), Philippine Information Agency (PIA) at News and Information Bureau (NIB) ng Philippine News Agency (PNA) na pawang mga nasa ilalim ng PCO.
Karamihan sa mga tinanggal ay may mga ranggong direktor habang may inalis din umanong assistant secretary at mananatiling mga direktor na pawang mga taga-PCO.
Samantala, nagbitiw naman aniya sa kanyang puwesto si PCO Sr. Undersecretary Ana Puod dahil sa “untenable condition” sa loob ng nasabing ahensiya.
- Latest