30-kph speed limit sa urban roads - DOH

MANILA, Philippines — Sinuportahan ng Department of Health (DOH) ang mga mungkahi para sa 30 km bawat oras na speed limit sa mga lungsod upang masugpo ang mga road crash na naging top killer sa mga kabataang Pilipino.
Ang mga pagbangga sa kalsada ang pangunahing sanhi ng pagkamatay ng mga Pilipinong nasa edad 5 hanggang 29-anyos, sinabi ni Health Secretary Teodoro Herbosa sa road safety seminar ng DOH, na ginanap nitong Sabado, huling linggo bago ang pagbubukas ng mga klase ngayong taon.
“Maraming bansa ang naglagay na niyan. Sa Amsterdam, walang helmet pero may speed limiter ang bawat motorsiklo na tatakbo ng 30 kph,” sabi ni Herbosa.
Nabawasan aniya ang bilang ng mga aksidente sa Commonwealth Avenue, sa Quezon City simula nang ipatupad doon.
“So alam natin na having speed limits will actually save lives,” ani Herbosa.
Sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), nasa 13,101 ang nasawi sa mga aksidente sa kalsada noong 2023.
Ang average ng namamatay kada-araw ay 32 sa road crashes, kung saan kabilang ang 5 bata, batay sa datos.
“Road crashes are now the fifth top cause of death in the Philippines, sa kasunod ng cardiovascular diseases, cancer, diabetes at pneumonia,” ani pa ni Herbosa.
Nasa 70% ng road crashes ay nasasangkot ang mga motorsiklo.
Dapat din aniyang suriin ang mga umiiral na batas dahil sa kabila ng mga patakaran sa paggamit ng helmet, seatbelts at car seats para sa bata ay patuloy pa rin na may mataas na bilang ng pagkamatay.
- Latest