NTF-ELCAC pinuri paghuli sa lider ng NPA sa Southern Mindanao
MANILA, Philippines — Pinapurihan ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ngayong Sabado ang matagumpay na pinagsamang operasyon ng AFP at PNP na nagresulta sa pagkakadakip ng mga mataas na opisyal ng Southern Mindanao Regional Committee (SMRC), kabilang sina Charisse Bernadine Bañez at Louvaine Erika Espina—mga kilalang personalidad na matagal nang inuugnay sa kilusang teroristang komunista.
Binigyang-pugay ni NTF-ELCAC Executive Director, Undersecretary Ernesto C. Torres Jr., ang mga tropa ng 10th Infantry (Agila) Division at Police Regional Office 13 para sa kanilang “matatag at mabisang pagsisikap sa pagdakip sa mga high-value targets na ito.”
“Hindi lamang ito isang tagumpay sa operasyon—ito ay patunay at tagumpay ng matagal nang pinaiiral na whole-of-nation na kampanya para sa kapayapaan at kaunlaran,” ani Torres.
Muling pinagtibay ng NTF-ELCAC ang matibay nitong paninindigan na wakasan ang lokal na armadong komunistang tunggalian at nanawagan sa publiko, lalo na sa mga pamilya at paaralan, na manatiling mapagmatyag at magkaisa sa pagprotekta sa kabataan laban sa subersibong pagrerekrut.
- Latest