Duterte ‘aampunin’ ng ibang bansa

MANILA, Philippines — Pormal nang hiniling ng mga abogado ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang pansamantalang paglaya mula sa pagkakakulong sa International Criminal Court (ICC). Sa website ng ICC, makikita ang inihaing “urgent Request for Interim Release” ng abogado ng dating pangulo na si Nicholas Kaufman.
Nakasaad din sa 16-pahinang kahilingan na pumayag na ang hindi binanggit na bansa na kupkupin si Duterte pagkalaya nito.
“[REDACTED] has affirmed its principled willingness to cooperate with the Court, and to accept Mr. Duterte onto its territory for the duration of his interim,” nakasaad sa dokumento.
Ayon pa sa abogado ni Duterte, may batayan ang kanilang kahilingan dahil hindi naman ito tatakas at hindi na “realistic” na ikulong ang 80-taong gulang na dating lider.
Sinabi rin ng defense na ang pagkukulong sa dating pangulo ay hindi kailangan dahil hindi siya “flight risk”.
Binanggit din ang “humanitarian grounds” sa paghahain ng kahilingan para sa dating presidente.
Si Duterte na nakadetine sa The Hague, Netherlands ay nahaharap sa mga kasong crimes against humanity kaugnay sa inilunsad na war on drugs sa ilalim ng kanyang administrasyon at noong alkalde pa siya ng Davao City.
Samantala, igagalang naman ng Malakanyang ang desisyon ng ICC sakaling pagbigyan ang interim release ni Duterte.
Sa press briefing, sinabi ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro na nasa pagpapasya na ng ICC kung pagbibigyan o hindi ang kahilingan kaya bahala na silang magdetermina kung ano ang magiging desisyon o resolusyon dito.
Umaasa naman si Castro na mapapaniwala ng kampo ng dating pangulo ang ICC Judges sa kanilang bagong estratehiya at hindi sasabihin kalaunan na nagbibiro lamang tulad ng pangako ni Duterte na pupunta sa West Philippine Sea sa pamamagitan ng Jet ski.
- Latest