Ilang Senador kasama sa 73% ng Pinoy na ‘di pamilyar sa Konstitusyon - expert
MANILA, Philippines — Posible umanong kasama ang ilang Senador sa statistics na 73% ng mga Pilipino ang hindi pamilyar sa mga nakasaad at itinatadhana ng Konstitusyon.
Ito ang buong pagkadismayang nasambit ni Atty. Christian Monsod, isa sa framers ng 1987 Konstitusyon matapos ipa-remand ng Senado o ipinabalik sa Kamara ang inihaing 7 Articles of Impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.
Ipinaliwanag ni Monsod na ang Senado bilang impeachment court ay walang kapangyarihang ipa-remand ang impeachment complaint at ang kanilang mandato ay simulan na agad-agad ng mga senator judges ang paglilitis matapos itong maihain ng Kamara lalo na at umani ito ng botong 215 mula sa hanay ng mga Kongresista.
“Well, maybe it’s true, right? Because the survey says 73 percent of the people haven’t read or know very little about the Constitution. So, they’re probably part of that 73 percent,” giit nito.
Aniya, tila hindi alam ng mga Senador ang kanilang responsibilidad at pananagutan sa mamayang Pilipino.
Sa panig ni Manila Rep. Atty. Joel Chua, isa sa prosecution panel, sinabi nito na unconstitutional ang ginawang hakbang ng Senado at dapat ng mga itong ipaliwanag ang kanilang pagsuway sa kanilang mandato sa Konstitusyon.
“Ang trabaho ng Senado ay mag-try at hindi mag-dismiss,” giit ni Chua bilang reaksyon naman sa sinabi ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa na kahalintulad na rin ng ‘dismissal’ sa impeachment nang ibalik ito ng Senado sa Kamara.
- Latest