BSKE voter registration sa Hulyo, malabo - Comelec
MANILA, Philippines — Kinumpirma kahapon ni Commission on Elections (Comelec) Chairman George Erwin Garcia na posibleng magpasya silang suspindihin muna ang voter registration para sa 2025 Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) na nakatakda sanang idaos sa Hulyo 1, 2025.
Kasunod na rin ito nang napipintong pagpapalawig sa termino ng mga barangay at SK officials at panukalang ipagpaliban ang naturang halalan sa unang Lunes ng Nobyembre 2026.
Sinabi ni Garcia na dapat na maunawaan ng lahat na ito ay isang political decision na hindi maaaring pakialaman ng Comelec, lalo na ng kanilang legislative department.
Aniya, igagalang nila ang desisyon at tatalima sila sakaling matuloy ang panukalang pagpapaliban ng halalan.
Hihintayin rin aniya nila ang desisyon ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. kung aaprubahan o ibi-veto ang naturang panukala.
Ang BSKE ay nakatakda sanang idaos sa Disyembre 1, 2025.
- Latest