Bong Go: Pamilya Duterte, ‘di kailanman umiiwas sa pananagutan
MANILA, Philippines — Kaugnay ng kasong Impeachment laban kay Vice President Sara Duterte, ipinagtanggol ni Senator Christopher “Bong” Go ang pamilya Duterte sa pagsasabing nakahanda ang mga itong harapin ang mga akusasyon at gampanan ang kanilang tungkulin nang may integridad.
Inilarawan niya sina dating Pangulong Rodrigo Duterte at VP Sara Duterte bilang mga lingkod-bayan na hindi umiiwas sa pananagutan, lalo na sa harap ng kontrobersyang pulitikal.
“Kilala ko po ang mga Duterte, Mr. Presiding Officer. Hindi sila tumatakas sa accountability. Hindi sila tumatalikod sa hamon ng buhay. Hindi sila tumatalikod sa kanilang tungkulin,” deklara ni Go.
Idinagdag niya na ang dating Pangulo ay patuloy na nagsasabi ng kahandaang harapin ang anumang mga paratang, “dito sa ating bayan, hindi sa ibang bansa.”
Idiniin niya na maging si VP Sara ay nauna nang nagsabi na haharapin ang Impeachment case na isinampa laban sa kanya.
Hinggil sa ligal na proseso ng Impeachment, nagbabala ang senador laban sa pagsusulong ng paglilitis nang hindi muna nireresolba ang mga seryosong tanong sa Konstitusyon.
Pinuna niya ang umano’y procedural inconsistencies, partikular ang paghawak sa maraming reklamong Impeachment.
Pinaboran ni Sen. Go ang naging hakbang ng Senado na ibalik sa House of Representatives (HOR) ang articles of Impeachment. Iginiit ni Go na kailangang tiyakin na ang hustisya ay itinataguyod sa tamang paraan at ginagarantiyahan na ang mga wastong proseso ay nasusunod, alinsunod sa batas.
Bilang senator-judge, nangako si Go na magiging parehas ngunit nilinaw niyang ang mas malaki niyang tungkulin ay itaguyod ang Konstitusyon.
- Latest