Mag kontra sa impeachment court, dumulog sa SC – Escudero

MANILA, Philippines — Malaya ang sinuman na dumulog sa Supreme Court upang kuwestiyunin ang naging hakbang ng Senado bilang impeachment court na ibalik sa House of Representatives ang Articles of Impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.
“Doon sa mga hindi sang-ayon, malaya po sila, puwedeng kwestyunin ito either sa impeachment court o sa Korte Suprema kung sa palagay nila may nilabag na batas ang impeachment court,” ani Escudero sa isang press conference.
Sinabi ni Escudero na kung sa pananaw ng ilan ay ilegal ang kanilang ginawa ay iginagalang niya ang karapatan ng mga ito na puwede silang magkasaklolo sa SC.
Tiniyak din ni Escudero na tatalima siya sa utos ng Supreme Court.
Nauna rito, nagbotohan kamakalawa (Martes) ng gabi ang mga senador bilang mga senator-judges kung saan 18 sa mga ito ay pumabor sa pag “remand” o pagbalik ng Articles of Impeachment sa House habang lima ang hindi pumabor.
Ipinag-utos din ng Senate impeachment court sa House na sertipikahan na ang kanilang impeachment complaint ay hindi lumalabag sa 1987 Constitution.
Binanggit din ni Escudero na isinantabi ang resolusyon ni Senate Majority Leader Francis Tolentino na pabilisin ang paglilitis at tapusin hanggang Hunyo 30.
- Latest