Senado nag-convene bilang impeachment court

MANILA, Philippines — Pormal nang nag-convene kahapon ang Senado bilang impeachment court kung saan nanumpa sa harap ni Senate President Francis “Chiz” Escudero bilang presiding officer, ang 22 senator ng 19th Congress na tatayong judges sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Sa 22 senador, hindi nagsuot ng kulay maroon na robe sina Senators Cynthia Villar, Imee Marcos at Robin Padilla. Kabilang ang tatlo sa mga sumusuporta sa mga Duterte.
Naantala ang nakatakdang panunumpa ng mga senador matapos pagbigyan ang privilege speech ni Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa na naglalayong i-dismiss ang impeachment case laban sa bise presidente.
Naniniwala si dela Rosa na lumabag sa one year ban ang impeachment complaint na inihain laban kay Duterte sa House of Representatives.
Tinutulan ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel Jr. ang privilege speech ni Dela Rosa dahil hindi ito kasama sa agenda.
Kinontra rin ni Senator-judge Risa Hontiveros ang mosyon ni Dela Rosa dahil ang dismissal umano ng trial ay maari lamang gawin ni VP Duterte.
Pumayag na lang si Dela Rosa na baguhin ang kanyang mosyon kung saan i-remand na lang o ibalik sa Kamara ang impeachment case laban kay VP Sara.
Paliwanag naman ni Sen. Alan Cayetano, wala na silang oras para pagdebatehan kung ibabasura ang impeachment case base sa mga grounds na tinukoy ni Dela Rosa na nilabag ang Konstitusyon dahil higit isang beses naihain ang reklamo at hindi rin ito pwedeng tumuloy sa 20th Congress.
Binigyang-diin ni Cayetano na kung ire-remand sa Kamara ang impeachment case ay malaki ang tsansang sa 20th Congress na ito matutuloy.
Sa huli ay nagmosyon si Dela Rosa na tinatanggap niya ang panukalang amyenda na i-remand ang impeachment case.
Nauna rito, naghain na ng resolusyon si Senate Majority Leader Francis Tolentino na nagsusulong na simulan at tapusin ang impeachment trial ni VP Duterte sa loob ng 19 na araw.
Sa Senate Resolution No. 1371, iminungkahi ni Tolentino na i-convene and Impeachment Court ngayong araw, Hunyo 11 at ibaba ang hatol kay Duterte sa Hunyo 30.
Sinabi rin ni Tolentino na ang mabilisang impeachment trial ay nangyari na rin sa United States partikular sa una at ikalawang impeachment trial ni US President Donald Trump.
Ang unang impeachment trial aniya ni Trump ay ginawa noong Enero 21 hanggang Enero 31, 2020 at nagkaroon ng desisyon noong Pebrero 2, 2020.
- Latest