PMA, PNPA agawan sa trono ng PNP chief

MANILA, Philippines — Malalaman na sa mga susunod na araw kung sino ang mangingibabaw na maging ika-31 hepe ng Philippine National Police (PNP) kung saan paglalabanan ito ng mga opisyal mula sa Philippine Military Academy (PMA) at sa Philippine National Police Academy (PNPA).
Kabilang sa mga matutunog na papalit kay PNP chief Gen. Rommel Francisco Marbil ay sina PNP deputy chief for administration Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. at Lt. Gen. Bernard Banac, hepe ng Area Police Command Western Mindanao na kapwa graduate ng PMA Tanglaw-Diwa Class of 1992.
Si Nartatez ay naging hepe ng National Capital Region Police Office (NCRPO) habang si Banac ay dating public information office chief at hepe ng Special Action Force (SAF).
Hindi rin pahuhuli si Criminal Investigation and Detection Group director Maj. Gen. Nicolas Torre III ng Tagapaglunsad Class of 1993 na ang pangalan ay mas umingay nang arestuhin si dating Pangulong Rodrigo Duterte at Kingdom of Jesus Christ Leader Apollo Quiboloy.
Kandidato rin si Lt. Gen. Edgar Alan Okubo, na PNP chief Directorial Staff at PNPA Tagapagpatupad Class of 1992. Si Okubo ang hepe ng special investigation task group na nag-imbestiga sa kaso ng pagdukot at pagpatay sa Chinese businessman na si Anson Que.
Lumilitaw din ang pangalan ni NCRPO director Maj. Gen. Anthony Aberin na miyembro ng PNPA Class of 1993. Naging mahigpit si Aberin sa mga regional directors na tiyakin ang peace and order sa Metro Manila.
Una nang sinabi ni Marbil na sina Nartatez, Banac, Torre, Okubo at Aberin ay may kakayahang maging PNP chief. Kailangan lamang na tuluy-tuloy ang pagpapatupad ng programa para sa maayos na PNP.
- Latest