Palasyo dedma kay Roque, Rodriguez

MANILA, Philippines — Ayaw nang patulan pa ng Malakanyang ang pasaring ng mga kritiko ng gobyerno na papunta na sa impiyerno ang bansa matapos pagsumitihin ng courtesy resignation ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang miyembro ng kanyang Gabinete.
Ito ay matapos sabihin nina Atty. Vic Rodriguez at Atty. Harry Roque na ang Pangulo umano ang problema at hindi ang kanyang mga gabinete kaya mag-resign na lamang siya at ipaubaya kay Vice President Sara Duterte ang puwesto.
Sinabi naman ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro na ang katulad ni Rodriguez ay inihalintulad ni Executive Secretary Lucas Bersamin sa isang aso sa gabi na nag-iingay lang at hindi na dapat na patulan pa.
Giit ni Castro, self serving ang pahayag ni Roque dahil kung nag-resign ang Pangulo at uupo si VP Sara ay malamang lahat ng kaso nito ay mawawala.
“Pag si VP Sara ang uupo ano ang mangyayari? Siyempre malamang lahat ng kaso ni Atty. Harry Roque mawala na, hindi ko sinasabing ganoon ang mangyayari, pero puwede kaya nila inaangat. So napaka-self serving ito at ito yung sinasabi nating obstructionists,” ayon pa kay Castro.
Wala rin aniyang ginawa ang mga kritiko ni Pangulong Marcos kundi manira sa Pangulo at sa ginagawa ng gobyerno kaya hindi dapat na paniwalaan ang mga ganitong tao dahil wala aniya silang katuturan.
“So ito yung mga tao na hindi na dapat pinaniniwalaan dahil wala silang sense,” pahayag pa ni Castro.
- Latest