BFAR: Pinsala sa barko na binomba ng tubig ng CCG abutin ng milyon
MANILA, Philippines — Inaalam pa ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang pinsala sa barko nito na ginamitan ng mga water cannon ng Chinese vessel at ginitgit nitong linggo.
Sa Saturday news forum, sinabi ni BFAR spokesperson Nazario Briguera na nasira ng China Coast Guard ang port bow at smokestack ng BRP Datu Sanday.
“It would entail thousands of pesos ‘yung sa danyos. Yung mga barko natin hindi naman basta basta ang materials, thousands or maybe a million pesos,” ani Briguera.
Sinabi ng BFAR na patuloy pa rin sila sa pagsasagawa ng marine research missions sa West Philippine Sea (WPS) sa kabila ng insidente.
“Hindi ito ang unang pagkakataon na binomba ‘yung barko ng BFAR at alam niyo naman na hindi tayo nagpapatinag, tuloy pa rin naman ang pagsasagawa ng mandato ng ahensya sa kabila ng mga iresponsable, marahas, na aksyon ng Chinese Coast Guard sa West Philippine Sea,” ani Briguera.
“Kumukuha ng mga sample para malaman ang aktwal na estado ng mga resources, marine resources… para malaman natin ang aktwal na estado at gaano kalawak ang resources sa West Philippine Sea,” aniya.
Naganap noong Miyerkules ang pambobomba sa territorial area ng Pilipinas sa Pag-asa Island at Pag-asa Cay 2 na bahagi ng Kalayaan Group sa WPS.
“Hindi ito magiging dahilan para tumigil tayo na gawin ang misyon, mandato ng ahensya sa pakikipagtulungan ng ibang concerned agency like the Philippine Coast Guard… nasa karagatan tayo na sakop ng teritoryo ng Pilipinas, may karapatan tayo na magsagawa ng mga gawain, ayon sa mandato ng aming ahensya,” aniya pa.
- Latest