Bong Go sa PhilHealth: Mag-isyu ng ID sa mga miyembro
MANILA, Philippines — Nanawagan si Senator Christopher “Bong” Go sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na mag-isyu ng matibay at accessible identification card sa lahat ng miyembro nito.
Idiniin ng senador na ang pisikal na ID ay napakahalaga upang malaman ng mga pasyente ang mga benepisyong dapat nilang makuha, alinsunod sa batas.
Sa ambush interview matapos bisitahin ang mga nasunugan sa Maynila, kinilala ni Go ang progreso sa PhilHealth sa pormal na pagrerehistro ng 96% Pilipino sa ilalim ng National Health Insurance Program (NHIP)—isang mahalagang hakbang sa universal healthcare coverage.
Ngunit binigyang-diin ng senador na kinakailangang “maisara na ang agwat” at tiyakin na ang natitirang 4.52 milyong hindi pa rehistradong indibidwal ay ganap na maisama sa sistema upang mapakinabangan ang mga benepisyo.
Upang matugunan ang isyung ito, inihain ni Go ang Senate Bill No. 2983, na nagmumungkahi ng mandatoryong pagpapalabas ng Philippine Health Card sa lahat ng Pilipinong nakatala sa ilalim ng NHIP.
Ipamamahagi ang ID sa pakikipagtulungan sa local government units pero hindi maglalaman ng anumang partisan political symbols o affiliations.
Kabilang sa kanyang prayoridad ang panukalang pag-amyenda sa Universal Health Care (UHC) Act, na naglalayong babaan ang premium contributions at palawakin ang coverage para mapakinabangan ng mas maraming Pilipino.
- Latest