China binomba ng tubig, ginitgit barko ng Pinas

MANILA, Philippines — Binomba ng water cannon at ginitgit ng China Coast Guard (CCG) ang isang barko ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na nakasira sa kaliwang bahagi ng nguso nito, sa Pag-asa Cay 2 (Sandy Cay) sa West Philippine Sea (WPS) nitong Huwebes.
Sa isang pahayag, sinabi ng BFAR na ang BRP Datu Sanday at BRP Datu Pagbuaya ay nasa isang routine mission kasama ang scientific team para sa pagkolekta ng samples ng buhangin sa erya para sa ginagawang marine scientific research nang maganap ang insidente alas-9:13 ng umaga, sa Pag-asa Cay 2, Pag-asa Island.
Sinabi naman ni Commodore Jay Tarriela, tagapagsalita ng West Philippine Sea Concerns, na naganap ang insidente sa territorial sea ng Pilipinas, na bahagi ng Kalayaan Island Group ng WPS.
Sa kabila aniya ng paulit-ulit na radio challenge, hindi tinigilan ng CCG ang pambobomba at dinikitan pa at ginitgit ang BFAR vessel na BRP Datu Sanday MMOV 3002 ng dalawang beses, na naglagay sa panganib sa mga sakay na scientists.
Ito aniya ang unang pagkakataon na binomba ng water cannons ang nasabing research vessels sa erya ng Pag-asa Cays.
Gayunman, sinabi ng BFAR na nagawa ng Philippine scientific team ang mga operasyon nito sa Pag-asa Cays 1, 2 at 3 sa kabila ng agresibo, mapanganib at iligal na aksyon ng CCG at Chinese maritime militia vessels. ?
- Latest