Senado magko-convene sa Hunyo 3 bilang impeachment court
MANILA, Philippines — Itinakda na ng Senado sa Hunyo 3 ang pagtitipon bilang impeachment court para sa pag-iisyu ng summon at iba pang kautusan na may kinalaman sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Sa liham ni Senate President Francis “Chiz” Escudero kay House Speaker Martin Romualdez, tatanggapin ng Senado ang panel of prosecutors ng House of Representative bandang alas-4 ng hapon ng Hunyo 2.
Magbubukas naman ang regular na sesyon ng kongreso sa Hunyo 2, at magtatapos ang 19th Congress sa Hunyo 14.
“Pursuant to Rule 1 of the Rules of Procedure on Impeachment Trials, we would like to inform your good office that, having taken proper order on the impeachment of Vice President Sara Duterte, the Senate shall be ready to receive the House of Representatives’ panel of prosecutors at 4 o’clock in the afternoon of June 2, 2025,” nakasaad sa liham ni Escudero kay Romualdez na may petsang Mayo 19, 2025.
Ipinadala na rin ang kopya ng liham sa tanggapan ng Bise Presidente at tinanggap na rin ng ganoong petsa.
“As stated in our letter dated February 24, 2025, the Senate shall expect the prosecution to read the seven charges under the Articles of Impeachment in open session,” ayon pa sa Senate president.
Pebrero nang inakusahan ng House si VP Sara ng betrayal of public trust, at culpable violations of the Constitution.
Inakusahan din ng Kamara si Duterte ng gumawa na high crimes dahil sa umano’y pagbabalak na pagpatay sa kasalukuyang President, First Lady at House Speaker.
In-impeach ng Kamara si Duterte dahil sa betrayal of public trust at graft and corruption kaugnay ng diumano’y maling paggamit at paglustay ng pondo ng Office of the Vice President at ng Department of Education (DepEd) na dati niyang pinamunuan.
Inakusahan din si Duterte ng bribery, acts of destabilization, conspiracy, murder, pagkakaroon ng hindi maipaliwanag na yaman at pagkabigong ibunyag ang lahat ng kanyang property at interest ng ari-arian sa kanyang statement of assets, liabilities and net worth (SALN).
- Latest