PCO Chief Ruiz namumurong masibak?

MANILA, Philippines — Anumang oras ay posibleng lumabas sa “bahay ni kuya” si Presidential Communications Office (PCO) Secretary Jay Ruiz.
Si Ruiz ay naitalaga bilang kalihim ng PCO nitong Pebrero 2025.
Nabatid na naghahanap na ng papalit ang Malakanyang kay Ruiz dahil ang nais ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay may magaling na management skills partikular na sa paghawak ng media operations.
Subalit ayon sa source, hindi ito nagampanan ni Ruiz.
Sa maiksing panahon ng panunungkulan ay nabalot ng kontrobersiya ang panunungkulan ni Ruiz, isa na rito ang kanyang kumpanya na Digital 8 na nakakuha ng P26 milyon halaga ng kontrata mula sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) bago siya maupo bilang kalihim ng PCO na itinanggi naman ng kalihim.
Si Ruiz ay dating reporter ng ABS-CBN at pang-apat na naging kalihim ng PCO simula ng administrasyon ni Pangulong Marcos.
Naging kontrobersyal din ang mungkahi ni Ruiz na maghigpit sa media accreditation requierements ng Malakanyang Press Corps.
Dahil dito kaya posibleng anumang oras ay masibak sa puwesto si Ruiz at ayon sa source, isang anak ng beteranong mamamahayag at publisher ang papalit dito.
- Latest