Roque uwi na sa Pinas para ‘di maaksaya pera ng gobyerno - Palasyo
MANILA, Philippines — Para hindi na mag-aksya ng pera at oras ang gobyerno, pinayuhan ng Malakanyang si Atty. Harry Roque na umuwi na lamang dito sa Pilipinas sa halip na mag-ingay.
Sinabi ni Castro na hindi pag-aaksaya ang paghahanap ng isang pugante tulad ni Roque lalo na at mayroon siyang kasong dapat harapin dito sa bansa.
Ito ang tugon ng tagapagsalita ng Palasyo matapos sabihin ni Roque na nag-aaksaya lang ang Marcos administration ng oras at pera para ipaaresto siya sa ibang bansa.
Sinabi ni Castro na si Atty. Roque lamang ang naniniwala sa kanyang pananaw na mayroong political persecution laban sa kanya dahil mismong dating kasama noon sa gabinete na si Atty. Salvador Panelo ay nagsabing dapat na bumalik siya sa Pilipinas upang harapin ang kasong isinampa laban sa kanya.
Malinaw aniya na ang pagsama-sama ni Roque sa mga Duterte ay ginagawang dahilan para sabihing pinagdidiskitahan siya ng administrasyon.
“Mukhang si Atty. Harry Roque lang naman ang naniniwala sa kanyang pananaw na may political persecution itong malaman na pagtatago niya ng kanyang liability at ang kanyang pagsama-sama sa mga Duterte ay ginagawa niyang panangga para patunayang mayroon siyang political persecution,” dagdag ni Castro.
Si Roque ay nahaharap sa kasong qualified human trafficking sa korte at naisyuhan na ng warrant of arrest at plano ng gobyerno na magpatulong sa Interpol upang mapauwi ito sa bansa.
- Latest