Giyera kontra droga: Kalye, eskinita papasukin!
MANILA, Philippines — Muling palalakasin ng pamahalaan ang operasyon laban sa ilegal na droga sa mga kalye at eskinita sa bansa.
Sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na bukod sa pagpapatuloy ng pagsawata sa malalaking operasyon, muli silang bababa sa mga kalye at eskinita laban sa mga illegal na droga.
Sa gitna na rin aniya ito ng daing ng taumbayan na talamak na naman ang street level operations ng droga sa bansa.
Paliwanag ni Pangulong Marcos, tumutok sila sa malalaking sindikato at drug bust operations nitong mga nakaraang taon, subalit lumakas naman ang bentahan sa mga maliliit na lansangan.
Dahil dito kaya muling palalakasin aniya ang operasyon laban sa mga pusher, at magiging bahagi na rin ng pagpapatrulya ng mga pulis ang pagbabantay laban sa mga tulak ng illegal na droga sa mga komunidad.
Mahigpit naman ang bilin ng Presidente sa mga otoridad na lumayo sa lumang sistema na nauuwi ang operasyon sa mga pagpatay sa mga hinihinalang tulak o suspek, sa halip ay ipatupad ang due process.
Inamin naman ni Marcos na mahirap masawata ang droga sa bansa, lalo na at malaking pera ang pinapagalaw dito.
Maging ang mga pulis aniya, mga lokal na pamahalaan at mga huwes ay nabibili nito, kaya naman patuloy nilang nilalabanan at binubuwag ang mga sindikato ng droga sa bansa.
- Latest