P1K dagdag honoraria sa teachers na nagsilbi sa eleksyon

MANILA, Philippines — Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Department of Budget and Management (DBM) ang pagbibigay ng karagdagang P1,000 bilang honoraria sa mga teachers at iba pang poll workers na nagserbisyo sa 2025 midterm elections.
“Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr., dinagdagan pa ng Department of Budget and Management ng isang libong piso ang election honorarium ng mga guro at poll workers,” ayon kay Palace Press Officer Atty. Claire Castro.
Ang P1,000 ay karagdagan sa naunang P2,000 across the board increase allowance na una na rin ipinag-utos ng Pangulo.
Dahil dito, ang bagong honoraria rates para sa mga miyembro ng Electoral Board ay P13,000 sa chairperson, P12,000 sa poll clerk, P12,000 sa third member, at P9,000 sa support staff.
Habang ang bagong rates para sa volunteer staff members mula sa DepEd ay: supervisors, P12,000; supervisors’ admin support staff, P9,000; at supervisors’ tech support staff, P10,000.
Aabot sa 760,000 poll workers nationwide ang nagbigay ng kanilang serbisyo noong May 12 elections.
Pinuri naman ng Malakanyang ang poll workers na nagtrabaho hanggang madaling araw matapos ang eleksyon para masigurong maayos ang proseso ng halalan at masiguro na mabibilang ang mga boto ng tama.
“Saludo po kami sa inyong dedikasyon,” ayon pa kay Castro.
- Latest