OWWA execs na sabit sa P1.4 bilyong land deal, tutukuyin - DMW
MANILA, Philippines — Masusi nang iniimbestigahan ng Department of Migrant Workers (DMW) kung sinu-sino pa ang iba pang opisyal na posibleng kasabwat sa umano’y maanomalyang P1.4 bilyong land acquisition deal na pinasok ni dating Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) administrator Arnell Ignacio.
Matatandaang si Ignacio ay sinibak sa puwesto dahil sa loss of trust and confidence nang pasukin ang naturang deal, nang walang pahintulot ng OWWA Board.
Ayon kay DMW Secretary Hans Leo Cacdac, nangangalap na sila ng mga impormasyon at ebidensiya tungkol sa naturang kontrata para sa gagawing pagsasampa ng kaso.
“‘Yan ang isang bagay na sinusuri ngayon, ‘yung posibilidad na merong iba pang sangkot,” ani Cacdac.
“Kasi ang ipinalit sa Board ay isang komite within the OWWA. Hindi kinonsulta ang Board pero may sariling komite na binuo.”
Nabatid na ang naturang proyekto ay magsisilbing halfway house o dormitory-type accommodation ng OFWs. Itatayo umano ito malapit sa NAIA Terminal 1.
- Latest