DOH: Pagtaas ng COVID-19 cases sa ilang bansa ‘di dapat ikabahala
MANILA, Philippines — Pinawi ng Department of Health (DOH) ang pangamba ng publiko kasunod ng naitatalang panibagong pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 sa ibang bansa.
Sinabi ni Health Secretary Ted Herbosa na walang dahilan upang maalarma ang publiko kahit pa nakakapagtala ng pagtaas ng COVID-19 cases sa ilang Asian countries, kabilang na rito ang Hong Kong, Singapore at Thailand.
Pagtiyak niya, nababantayan nila ang pagtaas ng kaso sa ibang bansa, sa pamamagitan ng mga mekanismong itinatag sa ASEAN.
Sa ganitong paraan aniya, mas napaghahandaan nila ang naturang bantang pangkalusugan.
Siniguro rin ng health chief na ang mga kaso ng sakit sa Pilipinas ay nananatiling nasa mababang antas.
Base sa datos, mula Enero-Mayo 3 ay nakapagtala lang sila ng 1,774 kaso ng sakit. Ito ay 87% umanong mas mababa kumpara sa 14,074 na naitala sa kahalintulad na petsa ng nakaraang taon.
Muli rin naman niyang pinaalalahanan ang publiko na maging maingat upang makaiwas na dapuan ng karamdaman.
Bagamat hindi mandatory, mas makabubuti rin aniya kung gagamit ng face mask kapag nasa pampublikong lugar at maraming tao, ugaliing maghugas ng kamay at magpakonsulta sa doktor kung may nararamdamang kakaiba sa katawan.
- Latest