Ignacio gigisahin sa P1.4 bilyong land deal ng OWWA

MANILA, Philippines — Iniimbestigahan na ng Deparment of Migrant Workers (DMW) ang umano’y maanomalyang P1.4 bilyong land acquisition deal ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Sa News Forum sa Quezon City, sinabi ni DMW Undersecretary Patricia Yvonne Caunan, mayroon nang ginagawang imbestigasyon ang DMW tungkol sa isyu at hahayaan niyang gumulong ang proseso dito.
Si Caunan ang pumalit kay dating OWWA administrator Arnell Ignacio na sinibak sa puwesto, dahil sa “loss of trust and confidence” dulot ng alegasyon ng maanomalyang P1.4 bilyon land acquisition deal na pinasok nito kahit walang pahintulot ng OWWA Board.
“As the new administrator of OWWA, we will perform the necessary audit, we will seek the required legal opinion from the Department of Justice and we will engage with the Commission on Audit,” ayon pa kay Caunan.
Ayon pa sa bagong OWWA chief ang biniling lupa ay para sa “half-way house” o dormitory type accomodation ng Overseas Filipino Workers na matatagpuan malapit sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1.
Ang nasabing kasunduan ay pinasok noong Setyembre 2024.
Paliwanag naman ni Caunan na base sa OWWA law, ang pagbili ng real property ay dapat aprubahan ng Board of Trustees ng OWWA at Chairman of the Board na kalihim naman ng DMW, at ang Vice Chair ay ang OWWA Administrator.
Sa kabila nito nilinaw naman ni Caunan na hindi naman nagalaw ang pondo ng OWWA na mula sa kontribusyon ng mga miyembro ng OFWs, seafarers at kanilang employers.
Lumalabas na ang 2025 budget ng OWWA ay P2.973 bilyon bukod pa ang P3.409 bilyon fund ng ahensiya sa ilalim ng General Appropriations Act.
- Latest