Bilin sa PMA grads: Magsilbi nang may dignidad – Pangulong Marcos

MANILA, Philippines — “Magsilbi nang may dignidad, dangal at pagmamahal”.
Ito ang bilin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga bagong kadete na nagtapos ng Philippine Military Academy (PMA) “Sikab-Laya” Class of 2025 matapos pangunahan ang mga bagong opisyal sa Ford Del Pilar, Baguio City.
Ayon sa Pangulo, kahit saan sila dalhin ng kanilang serbisyo bilang mga bagong opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP), dapat pa rin pairalin ang mga natutunan sa loob ng akademya dahil malaki ang inaasahan sa kanila ng mga ordinaryong mamamayan.
“This is my prayer to the members of Siklab-Laya: wherever your duty may take you, may it be in the mountains, in the seas, or communities, serve with dignity; serve with honor, serve with love,” pahayag pa ni Marcos.
Sakaling makakaranas man aniya sila ng mga pagsubok, sinabi ni Pangulong Marcos na may mga Pilipinong nagdarasal at susuporta sa kanila dahil iginagalang sila ng buong bansa at buong pusong naniniwala sa mga ito.
“You have an entire nation that respects and wholeheartedly believes in you,” dagdag ng Pangulo.
Kasabay nito, pinasalamatan din ni Pangulong Marcos ang PMA Class Siklab-Laya dahil pinili nila na manilbihan sa bayan at sa mga Pilipino.
Pinuri rin ng Presidente ang mga magulang at pamilya ng mga kadete dahil sinuportahan nila ang mga ito na isulong ang kanilang pangarap para maglingkod sa bayan.
- Latest