Pangalan ng mga ayuda, teleserye bawal nang gamitin ng partylists
MANILA, Philippines — Hindi na papayagan ng Commission on Elections (Comelec) ang mga partylist group na kapangalan ng mga teleserye at programa ng gobyerno sa susunod na eleksyon.
“Hindi na kami papayag sa susunod na accreditation process na gagamit sila ng mga sikat na telenovela na pangalan. Hindi kami papayag na gagamit sila ng mga pangalan ng ayuda. Hindi na po tama ‘yon,” ani Comelec chairman George Erwin Garcia.
Ayon kay Garcia, dapat na may tunay na adbokasiya ang lalahok na partylist group. Hindi aniya tama na sumasakay sa kasikatan ang mga partylist sa usong teleserye o programa ng gobyerno upang makatiyak ng panalo.
“Sa mga susunod we will no longer allow. If they want accreditation, change the names of their party in accordance with their principles, kung ano ang kanilang plataporma,” payo ng opisyal.
Samantala, wala na raw silang magagawa sa mga nakalusot nang partylist sa nakaraang halalan. Bago pa man dumating ang administrasyong Marcos may mga na-accredit nang mga tv shows.
“We will require them, if they wanted accreditation, to change the name of their party in accordance with their principle, in accordance kung ano ‘yung kanilang ipinaglalaban at ano talaga ang plataporma nung mismong partylist organization na ‘yan,” dagdag pa niya.
- Latest