House leaders naghahanda na sa 20th Congress
MANILA, Philippines — Sa kauna-unahang pagkakataon matapos ang midterm elections, nagpulong ang mga lider ng Kamara bago ang pagsisimula ng 20th Congress sa Hulyo.
Nabatid na ang nasabing pagpupulong nitong Biyernes ng hapon na ginanap sa Shangri-La, Makati ay para talakayin ang mga usaping pang administratibo at mekanismo at para masiguro ang tuluy-tuloy at maayos na pagtatapos ng 19th Congress at pag-uumpisa ng 20th Congress sa Hulyo 1.
Ang pagpupulong ay dinaluhan ng mga kasalukuyang senior leaders at mahahalagang personalidad ng Kamara para talakayin ang magiging direksyon ng bagong Kongreso.
Gayundin ang pagpapatuloy ng mga batas at pagsuporta sa Bagong Pilipinas governance agenda ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sinabi naman ni Deputy Speaker at Quezon 2nd District Rep. JayJay Suarez bago ang close door meeting na puro administrative matters lang ang kanilang pag-uusap lalo na at mayroon pang tatlong taon ang 315 congressman.
Mahalaga rin aniyang masimulan ng maaga ang paghahanda hindi kung kailan tumatakbo na ang Kongreso ay saka pa lang sila bumubuo ng organisasyon, dapat aniya sa Hulyo 1 ay simula na ang kanilang trabaho.
Nilinaw din ni Suarez na ang kanilang pagtitipon ay “meet and greet” lamang at ito rin ang unang pagkakataon na nagkita-kita muli ang mga lider ng partido matapos ang kampanya.
- Latest